2024 SGLG National Validation

Muling nasubukan ang husay at galing ng LGU Bauan sa katatapos na 2024 SGLG National Validation kahapon, ika-12 ng Setyembre 2024.

Sumailalim ang ilang departamento ng pamahalaang lokal at ilang barangay sa masusing interview at assessment sang-ayon sa itinakdang 10 areas of governance. Ang mga ito ay ang Financial Administration & Sustainability, Disaster Preparedness, Social Protection & Sensitivity, Health Compliance & Responsiveness, Sustainable Education, Business Friendliness & Competitiveness, Safety Peace & Order, Environment Management, Youth Development, at Tourism Heritage Development, Culture & Arts.

Ang mga validators ay mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na kinabibilangan nina Johaina Abdullah, LGSD Chief/LGOO VII, Sittie Shahidah Katug, LGOO V at Zacarnain Acmad, LGOO VI.

Dumalo at nagpahayag ng kanilang suporta ang mga halal na opisyales ng bayan sa pangunguna ni Mayor Ryanh Dolor at Vice Mayor Ronald Evangelista Cruzat kasama ang mga Sangguniang Bayan Members.

Matapos ang validation ay bumisita ang mga panauhin sa Fantasy World sa Lemery at Taal Basilica, mga tourism at cultural sites sa lalawigan ng Batangas. Gayundin, ipinasyal sila sa Kalumala Heights, isang “over-looking view” pasyalan sa Bauan na matatagpuan sa Barangay Alagao.

Ang SGLG Award ay iginagawad sa mga LGUs na kinakitaan ng kahusayan at katapatan sa serbisyo at pamamalakad ng gobyerno. Ang bayan ng Bauan ay maka-apat na beses ng ginawaran ng nasabing pagkilala, noong taong 2017 hanggang 2019 at 2023.

You may also like...