PILIPINAS : Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan

Paggunita sa ika-125 na Taon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Bayan ng Bauan

Nagsimula ang pagdiriwang sa pamamagitan ng pagtataas ng Bandila ng Pilipinas sa saliw ng Lupang Hinirang na sinundan ng Bayang Walang Maliw, ang pambayang awit ng Bauan. Matapos ito ay taimtim na pagbigkas ng Panunumpa sa Watawat at Panunumpa ng Lingkod Bayan.

Dumalo sa okasyon ang Pangalawang Punumbayan Ronald E. Cruzat na siyang kumatawan kay Punumbayan Ryanh M. Dolor, kasama ang mga Miyembro ng Sangguniang Bayan, mga kawani ng Lokal na Pamahalaan, PNP, BFP, PCG at ilang grupo na kinabibilangan ng Defenders of Bataan (Veterans) at Knights of Columbus.

Ang bayan ng Bauan ay nakikiisa sa buong bansa sa pagdiriwang ng mahalagang araw na ito sa lugar kung saan nakatayo ang Dambana ng mga Bayani. Ang natatanging sagisag ng ating pakikipaglaban sa mga mananakop. Ang nagsisilbing inspirasyon upang maipagpatuloy natin ang mga adhikain para sa bansang malaya na may takot sa Diyos, pagmamalasakit sa kapwa Pilipino at pagmamahal sa bayan. Nawa ay lagi nating alalahanin ang kahalagan ng Araw ng Kalayaan.

HUNYO 12, ang araw noong taong 1898 ng iwagayway ni Hen. Emilio Aguinaldo ang ating bandila sa Kawit, Cavite at ipinahayag ang pagiging malaya ng bansang Pilipinas mula sa pananakop ng Espanya. Subalit hindi ito nagkaroon ng “international recognition” mula sa international communities lalo’t higit sa United States of America at Spain.

Ngunit makaraan ang ilang taon sa bisa ng Tydings-McDuffie Law, noong HULYO 4, 1946 sa independence ceremony, ibinaba ang bandila ng Amerika at mag-isang itinaas ang bandila ng Pilipinas bilang pormal na pagkilala ng Estados Unidos sa kalayaan at soberanya ng ating bansa bilang REPUBLIKA ng PILIPINAS.

At noong 1962 sa kapangyarihan ng Proclamation No. 28 ni Pangulong Diosdado Macapagal, inilipat ang araw ng Kasarinlan mula Hulyo 4 sa kasalukuyang Hunyo 12, ang araw kung saan ang Pilipinas ay nakalaya mula sa Espanya.

Maligayang Araw ng Kasarinlan! Mabuhay ang Republika ng Pilipinas.

Bauan Municipal Tourism

Bauan HRMO

#WeAreOneInBauan☝🏻

You may also like...