Turnover Ceremony
Matagumpay na isinagawa ngayong Lunes, Agosto 4, 2025, ang flag ceremony na pinangunahan ng mga kawani mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), kasabay ng turnover ceremony ng bagong Toyota Hilux ‘rescue and service vehicle’ para sa nasabing ahensya.
Ang naganap na turnover ceremony ay nasaksihan ng iba’t ibang departmento at ahensya sa presensya nina SFO4 Domingo Rubis na Acting Municipal Fire Marshal ng BFP Bauan at Provincial Fire Marshal FSSupt. Annalee Atienza, P/Lt. Col. Carlito Valdez ng Bauan PNP at mga kapulisan, at Mayor Wendah Katrina Rivera-Dolor kasama ang mga opisyales at kawani ng pamahalaang bayan ng Bauan.
Bukod sa ang Agosto ay Buwan ng Wika, ipinagdiriwang din ng BFP ang ika-34 anibersaryo nito na may temang: “Pambansang Bumbero, Bayaning Maaasahan” na nagpapatunay sa patuloy na dedikasyon ng ahensya sa pagtugon sa sunog o anumang sakuna. Ayon nga sa pahayag ni Provincial Fire Marshal Atienza, “Sa malasakit at pagmamahal ng lokal na pamahalaan sa bayan ng Bauan, kapwa rin matatawag na bayaning maaasahan.” Pagpupuri pa niya, “Ang natanggap na rescue and service vehicle ng Bauan BFP, mula sa puso siyempre ng Bauan LGU, ay isang patunay na buo ang tiwala at dedikasyon ng serbisyo para sa ating bayan na kung saan dapat ding suklian ng maayos at tapat na paglilingkod.”
Sa mensahe naman ni Mayor Wendah Dolor ay isinaad niya na makakaasa ang BFP sa tulong ng lokal na pamahalaan lalo na sa mga panahon na nangangailangan ang taong bayan sa tulong ng ahensya, pagpapakita ng lubos na pasasalamat sa mga itinuturing niyang bida sa araw na ito.
Sa nadagdag na rescue and service vehicle ay mas mabilis lalong maisasakatuparan ang pagtugon at pagtulong kasama ng ating pamahalaan, lokal man o nasyonal, pampubliko o pribadong sektor. Sa makatuwid ay totoong walang hihigit sa mga bayaning nagtutulungan sa oras ng kagipitan.


































