Sublian Festival 2024

Tagumpay ang pagdaraos ng ika-23 taon ng Sublian Festival sa Bayan Bauan noong Mayo 2, 2024.

Ganap na alas-seis ng umaga ay inihatid ang Mahal na Poon Sta. Krus ng Bauan patungo sa Binukalan, Bayan ng Alitagtag para sa Pagtatagpo ng magkapatid na Poon ng Bauan at Alitagtag. Isang Misa Konselebrada ang isinagawa sa parokya. Matapos ang selebrasyon dito kinaon muli ang magkapatid na Mahal na Poong Sta. Krus pabalik sa Bauan. Mula sa tulay ng Manghinao ay agad na sinalubong ng mga manunubli at mga deboto ang magkapatid na Poon. Nagkaroon dito ng Luwa na sinundan ng parada at street dancing. Ang magkapatid na Poon na ibinaba mula sa sasakyan ay ipinarada sa lansangan ng Poblacion habang pasan sa balikat ng mga deboto at mga Hermano patungo sa simbahan ng Immaculate Conception.

Biglang pagtanggap sa magkapatid na Mahal na Poon Sta Krus, isang sabayang Subli ang naganap sa Dambana ng Mahal na Poon Sta. Krus sa loob ng patio. Habang isinasagawa ang Misa Konselebrada ay patuloy ang ginagawang Sublian sa Plaza Orense mula sa iba’t ibang grupo. Kabilang dito ang original na Manunubli mula sa Barangay Sinala, kawani ng LGU Bauan, Lahing Balagueña, at estudyante at guro mula sa mga paaralan na nasasakupan ng Bayan ng Bauan .

Naging tampok din sa programa ang mga mensahe mula kay Mayor Ryanh Dolor at Kura Paroko Rev. Fr. Federico Magboo.

Ang Sublian ay pagbibigay pugay sa Mahal na Poong Sta. Krus, ang Patron ng bayan ng Bauan. Sinasabi na ang Subli ay hango sa salitang “subsob at bali”, ang mga galaw ng mga mananayaw nito na tinatawag naman na manunubli. Sinasayaw ang Subli sa ritmo ng mga tambol kasabay ang mga dasal at pag-aalay ng bulaklak sa Poong Sta. Krus.

VIVA, Sta. Krus, VIVA!

Bauan Municipal Tourism

#WeAreOneInBauan

You may also like...