Senior Cash Incentives

Umulan man o lumalim ang gabi ay walang humpay ang pagpapaabot ni Mayor Wendah Katrina Rivera-Dolor ng cash incentive para sa mga Bauangueñong senior citizen na isinagawa noong ika-6 at ika-14 ng Oktubre, 2025, bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng Senior Citizens’ Month.

Ilan sa mga barangay na pinuntahan noong Oktubre 6 para magpadala ng nasabing cash incentive ay Sampaguita, San Agustin, Sta. Maria, Bolo, Manghinao Proper, Poblacion II, at Poblacion IV. Noong Oktubre 14 naman ay isinagawa ito sa mga barangay ng San Vicente, Alagao, Sinala, Inicbulan, Durungao, As-is, Cupang, at Manghinao I.

Bagamat karamihan ng nakatanggap ng cash incentive ay nasa 85 taong gulang, isa sa mga benepisyaryo ay ang centenarian na si Gng. Irenea Bonquin Evangelista na ipinanganak noong taong 1925 at naninirahan sa Brgy. San Agustin. Para naman sa nasa edad 90-99 ay pinangunahan ito ni Gng. Irenea Herrella Mendoza na 99 taong gulang at Gng. Nicetas Martinez Marquez na nasa edad 91, pawang mga residente ng Poblacion II; at si G. Primitivo Navales Varde mula Manghinao Proper na 90 taong gulang.

Ang gawaing ito ay alinsunod din sa mandato ng Municipal Ordinance No. 21-10-0284, “AN ORDINANCE HONORING THE BONAFIDE CENTENARIANS AND SENIOR CITIZENS AGES 85 AND ABOVE BY GRANTING CASH BENEFITS TO EVERY QUALIFIED BAUANGUEÑO OF THE MUNICIPALITY SUBJECT TO AVAILABILTY OF FUND”. Isa sa mga programa ng lokal na pamahalaan ng Bauan na sinimulan ni dating Mayor Ryanh Dolor mula sa panukala ni Vice Mayor Ronald Cruzat at ipinagpapatuloy ni Mayor Wendah. Ang inisyatibo ay nagpapakita ng matinding paggalang at pagpapahalaga sa mga natatanging kontribusyon ng ating mga nakatatandang kababayan.

“Serve More with Integrity, Lead with Empathy”

#WeAreOneInBauan

You may also like...