Pugay Tagumpay (MSWDO)

Bumida ang mahigit 400 na Bauangueñong miyembro-benepisyaryo ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa kanilang pagtatapos sa isinagawang ‘Pugay Tagumpay’ noong ika-28 ng Nobyembre, 2025 sa Mini Coliseum, Pob. IV, Bauan.

“Ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang ‘graduation’, ito po ay kabuuan ng inyong journey mula noong kayo ay 4Ps hanggang kayo ay magtatapos ng programa. Wakas ng pagiging mahirap na pamilya at simula ng tuloy-tuloy na pag-angat natin sa ating buhay. Ito po ay isang pagkilala sa mga sakripisyo ng bawat isa sa inyo,” saad ni DSWD Social Welfare Officer Stella Maris Espares, RSW.

Binigyang diin ni Municipal Social Welfare and Development Officer Ivan Michelle E. Acleta, RSW, na ang programang 4Ps ay isang instrumento na gumabay at tumulong sa mahihirap. Binigyang pugay din ni ALS Coordinator Reynante Pedro Balita ang mga miyembro-benepisyaryo na nakapag-aral sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).

Naglahad ng inspirasyonal na mensahe si Gng. Eloisa B. Bautista, miyembro-benepisyaryo ng 4Ps mula Brgy. Bolo. Aniya, “Hindi po hadlang, kahit ikaw ay nakapag-aral, kahit ikaw ay hindi nakapagtapos, as long as naniniwala ka sa Diyos, may patutunguhan kayo at laging positive ang iniisip sa lahat ng nangyayari sa buhay natin. Be positive!”

Sa salaysay naman ni Gng. Jafet D. Acuzar na residente ng Brgy. San Pedro, masaya niyang ipinagmalaki na napakalaking tulong ng 4Ps kasunod ng pagbabahagi niya ng kuwento ng kanyang pamilya at mga pagsubok na kanilang pinagdaanan.

Ayon sa Republic Act 11310, ang 4Ps ay ang pambansang estratehiya ng gobyerno sa pagsugpo ng kahirapan. Kaugnay dito, ang lokal na pamahalaan ng Bauan kaisa ang mga ahensya ng gobyernong nasyonal ay patuloy sa pagsasagawa ng mga programa at naglilingkod upang maiangat at mapabuti ang pamumuhay ng mga mahihirap na pamilyang Bauangueño.

You may also like...