National Children’s Month

Puno ng galak, ngiti, at kasiyahan ang pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong araw ng Nobyembre 17, 2025 na may temang: “Karapatan ng Bata sa Bawat Hakbang: Gabayan, Pangalagaan, Ipaglaban!” sa Mini Coliseum, Pob. IV, Bauan, Batangas na ibinida ng mga mag-aaral sa mga daycare centers sa iba’t ibang barangay.

“Ipagpapatuloy pa ng inyong nanay Wendah kasama ang inyong tatay Ryanh ang pagbibigay kasiyahan higit sa ating mga anak. Sa mga magulang pa lamang, tayo po ay malaki ang partisipasyon kung paano natin gagabayan ang ating mga anak. Number 1 pong prayoridad ng mga magulang kung paano natin sila palalakihin nang may takot sa Diyos at kapwa, at maging mabuting tao. Kaagapay niyo po ang gobyerno ng bayan ng Bauan at ang inyong lingkod,” ipinagmamalaking binahagi ni mayor Wendah Katrina Rivera-Dolor.

Sa ipinarating naman na mensahe ni Kon. Josephine D. Gimeno, Chairperson ng Committee on Women, Children, and Family Affairs, ang programang ito ay isinasagawa taon-taon na kung saan ang mga bata ay binibigyan ng kahalagahan at sa bawat hakbang ay gabayan, pangalagaan, at ipaglaban ang karapatan nila. Ayon din kay Bb. Ivan Michelle E. Acleta, Municipal Social Welfare and Development Officer, ang araw na ito ay kinikilala para ang bawat bata ay may karapatan na lumago at maging ligtas sa anumang kapahamakan alinsunod sa tema. Dumalo rin sa programa sina Vice Mayor Ronald E. Cruzat, Kon. Hero M. Dolor, Kon. Jesimiel Jake O. Garcia, Kon. Michael T. Endaya, SK Federation President Jenisse Jade A. Aguilera, Bokal Reina D. Abu-Reyes, at Bokal Jently O. Rivera kasama si dating Bokal Wilson T. Rivera. Namahagi din sa mga bata ng ilang pagkain tulad ng corned beef ang Star Nutri-Meats sa tulong ng San Miguel Corp.

Bilang bahagi ng programa, ang bawat bata mula sa iba’t ibang Child Development Center (CDC) ay masasayang umindak at nagsayawan sa gitna ng entablado bilang mga bida sa araw na ito. Ang mga CDC sa bawat barangay ay pinaghati-hati sa ilang grupo at ang mananalo ay may maiuuwing premyo. Ang mga tumayong hurado rito ay sina Mun. Assessor Engr. Maritess M. Dalawampu, Mun. Tourism Officer Engr. Eufemia D. Bautista, at Mun. Planning and Development Officer Engr. Melvin B. Arevalo. Ang patimpalak ay may premyo na ₱12,000 para sa magwawagi ng unang pwesto; ₱10,000 para sa ikawalang pwesto; at ₱8,000 naman sa ikatlong pwesto. Mayroon ding ₱5,000 bilang consolation prize.

Ang nagwagi sa unang pwesto ay ang Pangkat 4 na binubuo ng CDC mula sa mga barangay ng Pob. III, San Agustin, Alagao, at Inicbulan. Nakamit naman ng Pangkat 1 ang ikalawang pwesto na binubuo ng mga barangay ng Aplaya, Pob. II, San Teodoro, at San Vicente. Sinundan naman ito ng Pangkat 2 na binubuo ng mga barangay ng Bolo, Manghinao Proper, Sinala, Gulibay, at Manghinao I na nakamit ang ikatlong pwesto.

Samantala, pinarangalan din ang ilang mga daycare workers na nagsilbi sa serbisyo sa mahabang panahon. Ilan dito ay sina Gng. Swelie D. Manalo mula sa Brgy. San Miguel, Gng. Yolanda Castillo mula Brgy. Inicbulan, at Gng. Babet Agoncillo mula sa Brgy. Poblacion IV-A sa kanilang paglilingkod at pagbibigay serbisyo sa loob ng 20 taon. Binigyan din ng parangal si Gng. Gloria Caringal mula Brgy. Alagao dahil sa 15 taon niyang paglilingkod.

Bilang pagtatapos ng pagdiriwang, namahagi ng mga school supplies para sa mga batang mag-aaral mula kay mayor Wendah Dolor; mga pagkaing manok at kanin mula kay Bokal Rivera at kanyang pamilya; at party loot bags na naglalaman ng matamis na tsokolate at laruan mula sa Sangguniang Bayan ng Bauan.

You may also like...