MSWDO Training and Seminar

“𝓢𝓪 𝓑𝓪𝔂𝓪𝓷 𝓷𝓰 𝓑𝓪𝓾𝓪𝓷, 𝓦𝓪𝓵𝓪𝓷𝓰 𝓜𝓪𝓲𝓲𝔀𝓪𝓷”

Sumailalim sa dalawang araw na training at seminar patungkol sa fire prevention, earthquake drill, at pagbibigay ng first aid ang mga Daycare Workers at Teacher Aides mula sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSDWO) na ginabayan ng mga kawani mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) Bauan Fire Station na ginanap noong Oktubre 27-28, 2025 sa Bauan Technical Integrated High School.

Sa unang araw ng seminar ay nagbahagi ng kanyang kaalaman si SFO1 Aldrin P. Amul kaugnay sa mandato at kahalagahan ng BFP gayundin ang fire safety at ang mga dapat gawin sa oras ng lindol kabilang na ang pagsasagawa ng earthquake drill. Sa kanyang presentasyon ay nagbigay din siya ng halimbawa ng ilan sa mga insidente ng sunog sa nagdaang panahon at paano maiiwasan ang mga ito, ang mga klase ng sunog na nasa kategoryang A, B, at C, at gayundin ang pagtuturo ng tamang paggamit ng fire extinguisher para epektibong maapula ang apoy.

Pagdako naman sa ikalawang araw ay ibinahagi ni FO1 Jeffrey A. Polinag ang mga responsibilidad ng isang Emergency Medical Responder (EMR) at ilang demonstrasyon sa pagbibigay ng paunang lunas o first aid kasama si FO1 Junelle M. De Torres. Kabilang na sa mga aktibidad dito na isinagawa rin ng mga dumalo ay ang ‘bandaging’; rescue techniques tulad ng ‘fireman’s carry’, Heimlich maneuver; paggamit ng stretcher; at ang pagsasagawa ng ‘cardiopulmonary resuscitation’ o CPR.

Umani naman ng positibong komento at papuri mula sa mga daycare workers at teacher aides ang nasabing seminar. Sa mga inilahad na testimonya bago pormal na magtapos ang pagsasanay ay nagpapasalamat sila sapagkat marami ang kanilang natutunan dahil sa malinaw na paliwanag at magagamit nila ito sa komunidad para maging ligtas sa oras ng sakuna.

#WeAreOneInBauan

You may also like...