Mold Fittings of Free Hearing Aids
56 na mamamayang Bauangueño ang mapalad na sumailalim sa Phase 2: Mold Fittings of Free Hearing Aids na ginanap sa Municipal Training Hall, Pebrero 6, 2026.
Sa nangyaring kaganapan ay inalam ang modelo ng tenga ng mga indibidwal sa pamamagitan ng espesyal na materyal na tinatawag na ‘ear impression’ na gagamiting basehan sa pag-isyu ng hearing aid sa darating pang buwan na magsisilbi namang ‘Phase 3’. Mahalaga ang prosesong ito sapagkat sa pamamagitan ng paghulma ng nasabing materyales ay masisigurado na tama o angkop ang sukat ng hearing aid na ilalagay sa tenga ng bawat indibidwal.
Labis naman ang tuwa ng mga indibidwal na benepisyaryo ng proyektong ito at inaasam na matatanggap din nila ang hearing aid matapos ang mga pagsusuri at mold-fittings dahil sa kabila ng pagkakaroon ng hadlang sa komunikasyon at epekto sa pamumuhay ay makapagbibigay na ito sa kanila ng pag-asa para sa malinaw na pandinig at makabagong oportunidad.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamahalaang lokal ng bayan ng Bauan sa pangunguna ni Mayor Wendah Katrina Rivera-Dolor kasama ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at Bauan Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) at mga organisasyon tulad ng Alpha Phi Omega Philippines, Inc. at APO Batangas City Alumni Association 482, Audibly Hearing Aid Center, Pambansang Kapisanan ng mga may Kapansanan sa Pilipinas, Inc. (PKMKPI), at Audibly Hearing Aid Center ay matagumpay na naisakatuparan ang proyektong ito na naglalayong makatulong sa mga kababayang Bauangueño na magkaroon ng maayos na pandinig at pakikipagtalastasan.




















