LGU Bauan meets with TeleComm and Utility Companies

Naglunsad ng isang pagpupulong kahapon, ika-18 ng Agosto, 2025 ang lokal na pamahalaang bayan ng Bauan kasama ang mga kinatawan ng iba’t ibang utility at telecommunications companies kabilang na ang First Bay Power Corp., Asian Vision, Globe, PLDT, at New Island Media Vision.

Ito ay alinsunod sa Ordinance No. 22-10-0329 o “An Ordinance Regulating the Installation and Maintenance of Distribution Lines of Various Utilities in the Municipality of Bauan.” Ayon kay Kon. Michael Endaya, Chairperson ng SB Committee on Public Utilities, Water System, Power and Energy, hangarin ng ordinansang ito na maiwasan ang pagkakaroon ng nakalaylay na kable ng kuryente o mas kilala sa tawag na ‘spaghetti wires’ na maituturing na ‘public hazard’. Binigyang diin naman ni Atty. Ava Talag, Municipal Administrator, na panahon na upang ang mga ‘unserviceable cables’ ay malinis na para sa kaligtasan ng publiko.

Sa pahayag ni Gng. Belina Montalbo-Macuha ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDDRMO) Bauan, binanggit niya na iniiwasan ang pagkakaroon ng ‘spaghetti wires’ sa mga poste ng kuryente sa bayan sapagkat nagkaroon na noon ng aksidente na may sumabit na sasakyan dito.

Sa direktiba ni Mayor Wendah Katrina Rivera-Dolor, maglalabas siya ng executive order na kung saan bibigyan ang mga nasabing telecommunications at utility companies ng isang (1) buwan para ayusin at tanggalin ang mga lumang kable na masasabing ‘unserviceable’ at hinihikayat din ang ‘underground cabling system’.

Binanggit din ni Municipal Assessor Engr. Maritess Dalawampu ang patungkol sa ‘encroachment’ ng mga poste sa mga pribadong lupa at nilinaw na taxable ang mga ito. Samantala, binigyang paalala naman ni Engr. John Paolo Acuzar, acting Municipal Engineer, ang bagay na madalas makaligtaan ng mga kumpanya at ito ay ang pagsunod sa tamang proseso ng pagkuha ng kaukulang permit sa munisipyo bago magkabit ng mga linya.

Dahil sa mahigpit na pagsasakatuparan ng ordinansa, magkakaroon ng bayanihan at kooperasyon ang mga nasabing kumpanya kasama ang pamahalaang bayan bilang pagsunod sa direktiba.

You may also like...