Lady Local Legislators’ League of the Philippines (4L)

Matagumpay na naluklok bilang isa sa Board of Directors mula sa 2nd District ng lalawigan ng Batangas si Kon. Josephine Gimeno sa Lady Local Legislators’ League of the Philippines (4L) – Batangas Ala Eh! Chapter sa isinagawang halalan at pagpupulong ng organisasyon na ginanap sa Sangguniang Panlalawigan Session Hall sa Capitol Site, Batangas City, Marso 4.

Kasama si Kon. Gimeno ay dumalo rin sa pagpupulong sina Vice Mayor Guenn Abante, Kon. Marjorie Jelly Adel, at SK Federation Pres. Jenisse Jade Aguilera kasama si Bokal Jently Rivera at Bokal Reina Abu-Reyes, at iba pang mga kababaihang mambabatas sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Batangas.

Naluklok din bilang Board of Director ng 2nd District si Bokal Abu-Reyes. Katuwang si Kon. Gimeno ay magiging gampanin nila ang pagtatakda ng direksyon at polisiya ng samahan upang palakasin ang kapasidad ng mga babaeng mambabatas at epektibong pagsusulong ng mga ordinansa na tumutugon sa pangangailangan ng kababaihan.

Ang Lady Local Legislators’ League of the Philippines o mas kilala sa tawag na “4L” ay isang organisasyon ng mga kababaihang mambabatas sa lokal na pamahalaan na naglalayong isulong ang mga polisiya para sa kababaihan, pamilya, at kaunlaran. Tamang-tama rin ang tiyempo ng pagpupulong nito kasabay sa National Women’s Month upang kilalanin ang mahahalagang ambag ng mga babae sa lipunan.

You may also like...