International Clean Up 2025

INTERNATIONAL COASTAL CLEAN UP ISINAGAWA, MCGC INILUNSAD SA BAUAN

“Ang ating pangarap sa isang Bauan ay kaaya-aya sa paningin, ligtas na tirahan, at maipagmamalaki sa mga susunod nating henerasyon!” –Mayor Wendah Katrina Rivera-Dolor

Sa pagkakaisa at pakikipag-bayanihan ay nairaos noong araw ng Sabado, Setyembre 20, 2025, ang International Coastal Cleanup. Kasabay nito ay ang pag-reorganize ng mas matatag at aktibong “Municipal Clean and Green Council” o MCGC.

Sa talumpati ni Mayor Wendah Katrina Rivera-Dolor, sinabi niya na mula nang maitatag ang MCGC noong 2013 sa ilalim ng termino ni dating Mayor RYANH M. DOLOR, ito ay nagsilbing gabay at lider ng pagpapatupad ng mga programa para sa kalinisan, pangangalaga ng kapaligiran, at kaayusan ng ating bayan, alinsunod na rin sa S.H.I.E.L.D. program sa tema ng “Environment”. Dagdag pa niya, “Ang MCGC nating inilulunsad ay hindi lamang konsepto sa papel; ito ay isang aktibong katuwang ng LGU at ng bawat isa sa inyo upang mapanatili nating malinis, maayos, at maganda ang ating kapaligiran higit ang ating bayan.”

Mariing nilinis ang coastal areas gayundin ang plaza, munisipyo, mga kalye sa paligid ng simbahan hanggang Pansol spring, Bauan Public Market, at Bauan General Hospital. Bukod pa sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Bauan at mga kawani ng lokal na pamahalaan ay nakiisa rin ang barangay councils, uniformed personnel mula sa mga national agencies na nakatalaga sa ating bayan, pribadong sektor at non-government organizations (NGOs), at mga guro at mag-aaral mula sa Bauan East and West Districts at ilang pribadong unibersidad sa lalawigan ng Batangas.

Ang kooperasyon at pagtutulungan na ito ay nagpapatunay na ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang responsibilidad ng iilan kundi tungkulin nating lahat – sa pagsusulong ng kapaligiran na siyang pundasyon ng produktibong pamayanan.

“Serve More with Integrity, Lead with Empathy”

#WeAreOneInBauan

📸Bauan MIO, LGU Bauan Employees

You may also like...