Interbarangay Zumba Competition
Isang Interbarangay Zumba Competition ang isinagawa sa bayan ng Bauan kahapon, ika-25 ng Marso, 2025 na ginanap sa Bauan Colleges, Inc. Covered Court.
Tatlumpu’t apat na grupo at lupon ng mga kababaihan mula sa iba’t ibang barangay ang nakilahok at nakisaya para sa competition. Tinanghal bilang champion ang Barangay Manghinao Proper na nagkamit ng P30,000.00, sinundan ng Barangay Poblacion II bilang 2nd placer at Best in Costume na nakakuha ng premyong P20,000.00 at P10,000.00. Samantalang 3rd placer naman ang Barangay San Miguel na nagkamit ng P15,000.00. Ang bawat grupo na hindi pinalad na manalo ay pinagkalooban ng consolation prize na P10,000.00.
Ang paligsahan na nagsilbing culminating activity para sa Women’s Month Celebration ay pinangunahan ng Municipal Women’s Coordinating Council (MWCC) kung saan si Mayora Wendah Dolor ang Chairperson. Naging daan naman ang programa upang mabigyang pugay ang mga kababaihan sa kanilang mahalagang tungkulin na ginagampanan sa tahanan at komunidad. Sa mensahe ni Mayora Wendah ay itinaguyod at itinaas niya ang moral ng mga kababaihan na bilang plain housewife ay siya namang humubog sa kung anumang tagumpay mayroon ang asawa o anak ng bawat pamilya.
Pasasalamat naman ang nais ipaabot ng pamunuan sa bawat kababaihan na naglaan ng kanilang mahalagang oras at panahon at ipinag-isang tabi pansamantala ang pagiging isang mabuting ina, asawa o kapamilya upang makiisa at makilahok sa nasabing programa. At dahil sa tagumpay at dulot na kasiyahan ng kauna-unahang zumba competition napagpasyahan ng council na muling magkakaroon ng ganitong paligsahan sa susunod pang mga taon.
Lubos din ang naging pasasalamat ng lahat ng nakilahok at project proponent sa cash at raffle prizes mula sa mga mabubuting sponsors na kinabibilangan ng Manila Teachers Partylist, AnaKalusugan Partylist, Mayor Ryanh at Mayora Wendah Dolor, Bokal Wilson at Gng. Jently Rivera, Bokala Arlene Magboo, dating Cong. Raneo Abu at Dra. Reina Abu-Reyes, Team Dolor, Kgg. Rich Barredo, Ms. Suzette Bathan, Ms. Anna Cabrera, WJ Bellrocks Gym, GD Wellnest Gym, LGBTQ Bauan, at BCI sa pagpapagamit ng kanilang facility.
























