Christmas Lighting & Opening of Night Market
Payak subalit puno ng ligaya ang pormal na pagbubukas ng Night Market sa Kap. Ponso St., Pob. II, Bauan, kasabay ng pagpapailaw sa plaza at munisipyo noong ika-10 ng Disyembre, 2025.
Mayroong 27 food stalls sa naturang Night Market at ilan sa mga mabibiling pagkain rito ay mga inumin gaya ng palamig, kape, lemonada, at shake, buttered corn, bibingka, tinapay, samgyup, siomai, rice meals, samu’t saring street foods, at marami pang iba. Swak na swak pang-foodtrip kasama ang barkada o ang jowa.
Samantala, hindi naman masasabing walang buhay ang mismong sentro ng bayan sapagkat ang Plaza Orense at ang munisipyo ay pinunan ng mga palamuti at dekorasyong pailaw bilang pagsalubong sa Pasko. Nagpapakita na ang diwa ng kapaskuhan ay patuloy na kumikislap sa puso ng bawat isang Bauangueño.
Ang operasyon ng Night Market ay mananatili hanggang Enero 4, 2026. Kaya ano pang hinihintay? Ay sinsay na dine.

































