BFP Spoken Poetry & Quiz Bee

Kaugnay ng paghahanda sa Fire Prevention Month sa buwan ng Marso na may temang “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi Ka Nag-iisa”, isinagawa ng Bureau of Fire Protection (BFP) Bauan Fire Station ang isang paligsahan na binubuo ng Fire Safety Quiz Bee at Spoken Word Poetry sa Municipal Training Hall ngayong araw ng Pebrero 25, 2026.

Ang mga naging kalahok sa paligsahang ito ay mga mag-aaral mula sa Bauan Technical Integrated High School (BTIHS), Sta. Teresa College (STC), Manghinao Elementary School, at Bolo Elementary School.

Sa unang bahagi ng paligsahan ay idinaos ang Spoken Word Poetry na kung saan ang mga kalahok mula sa BTIHS at STC ay nagpamalas ng kanilang galing sa pagtula at talento sa pag-arte ukol sa pagiging ligtas sa ano mang sunog o sakuna. Pagdako sa ikalawang bahagi ay isinagawa naman ang Quiz Bee na kinabibilangan ng mga kalahok mula sa STC, Bolo ES, at Manghinao ES para sa tagisan ng talino at kaalaman pagdating sa fire safety. Ang Quiz Bee na ito ay binubuo ng Easy, Average, at Difficult rounds.

Nagwagi bilang Champion sa Spoken Word Poetry si Bianca Noreen B. Badillo mula STC na nakakuha ng 97 puntos samantalang 1st Place naman si Laurence Lei M. Lontoc ng BTIHS.

Sa Quiz Bee naman ay nakamit ni Zerachiel C. Tejada ng Bolo ES ang 1st Place na may iskor na 50 puntos; samantalang si Arienne Ellanel C. Rosales mula STC ang nagkamit ng 2nd Place na may iskor na 44 puntos; at si Viel Alexa B. Sales mula Manghinao ES ang nakakuha ng 3rd Place na may iskor na 43 puntos.

Ang nagwagi bilang Champion ng Spoken Word Poetry mula STC at 1st Placer ng Quiz Bee mula sa Bolo ES ang mga lalaban bilang kalahok para sa district-level ng kompetisyon na inorganisa rin ng BFP.

Bukod sa paglalayon na makapagbigay alam sa publiko sa pagpapaigting ng edukasyon kung paano mabawasan ang mga insidente ng sunog at makapagtaguyod ng ligtas na komunidad, ang paligsahang ito bilang pook ng pagpapakita ng talento at kahusayan na pinangunahan ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa bayan ay patunay din lamang ng angking galing ng lahing Bauangueño.

You may also like...