Bauan Grants Audience with SMC reProposed NBEX
SMC Consultants Nakipagtalakayan sa LGU Bauan Officials
Humarap ang PHILKAIROS Inc., ang environmental consultants/representatives ng San Miguel Corporation (SMC) sa mga municipal officials ng ating bayan para sa isang presentasyon na may kaugnayan sa Proposed Nasugbu-Bauan Expressway (NBEX) Project noong Mayo 15, 2024.
Pinangunahan ni Mayor Ryanh Dolor kasama sina Vice Mayor Ronald Cruzat at SB Member Romel Basilan, pinaunlakan ng lokal na pamahalaan ang nasabing presentasyon. Kabilang sa dumalo ang ilang municipal department heads na kinabilangan nina Atty. Ava Talag (Municipal Administrator), Engr. Melvin Arevalo (MPDC), Engr. Herman Boongaling (Municipal Engineer), Dr. Noel Bautista (SB Secretary), Elizabeth Javier (Asst. Municipal Assessor), Mavelle De Leon (MENRO), Cynthia Togle (MSWDO), Teofilo Garibay (MAO), representatives/staff mula sa MPDC, MHO at MIO, Brgy. Capt. Angel Manalo (Manghinao I), Brgy. Capt. Arnold Salvacion (Balayong), at barangay officials ng Cupang at As-is.
Ang NBEX ay isang Public-Private Partnership (PPP) sa pagitan ng San Miguel Corporation, ang project proponent, at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas. Ito ay isang infrastructure project na pagtatayo ng isang expressway na babagtas sa sampu (10) LGU na kinabibilangan ng Nasugbu, Calaca City, Tuy, Balayan, Lemery, Taal, Sta. Teresita, San Luis, Alitagtag at Bauan at anim napu’t lima (65) barangay mula sa mga nasabing munisipalidad at siyudad. Samantala, 4 na mga barangay sa ating bayan ang posibleng apektado ng nasabing proyekto, ito ay ang Cupang, As-is, Balayong at Manghinao I.
Matapos ang presentasyon ng SMC ay agad na tinalakay ang mga katanungan o concerns mula sa pamunuan ng LGU Bauan at barangay officials mula sa 4 na barangay.
Isa sa nakitang pangunahing suliranin dito ay may kinalaman sa hindi tuwirang pag-identify ng mga lugar at property sa mga barangay na tatamaan o dadaanan ng itatayong expressway.
Nabigyang linaw naman sa pagtatalakay na ang Provincial Government ang siyang magsasagawa ng expropriation kung darating sa punto na hindi magkakaroon ng maayos na negotiation para sa Right of Way sa pagitan ng property owners at project proponent. Ang usapin ay mula sa masusing pagtatanong ni Vice Mayor Cruzat.
Ayon naman kay Mayor Dolor dapat ay nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa Municipal Assessor ng LGU para hindi magkaroon ng kalituhan sa mga tao mula sa barangay na apektado at ng sa ganun ay maiwasan ang mga katulad nitong usapin. Sa kanyang suhestyon, bago pa man ang presentasyon ay magkaroon muna sana ng paunang meeting sa pagitan ng LGU at SMC upang mapag-usapan ang mga nakikitang problema ukol sa proyekto. Ipinaliwanag at binigyang linaw ng butihing Mayor na ang ganitong proyekto ay suportado ng ating lokal na pamahalaan sapagkat ito ay development para sa ating bayan.