Basic Life Support Training and Seminar
Sumalang sa isang Basic Life Support (BLS) training ang mga nurses at midwives mula sa Rural Health Unit (RHU) 1 at 2, kasama ang mga mag-aaral na sumasailalim ng internship sa programang BS Criminology ng Rizal College of Taal, at ilang mga guro mula sa Strongbridge Playschool – Bauan ngayong Nobyembre 12, 2025, sa ilalim ng gabay ng Bureau of Fire Protection (BFP) Bauan Fire Station upang makapagbigay ng dagdag kaalaman at pagsasanay.
Sa unang bahagi ng seminar ay tinalakay ni FO3 Worldster A. Sy ang mga tungkulin at responsibilidad ng isang emergency medical responder, ilang bagay na dapat gawin bago magsagawa ng ‘First Aid’, pagtingin ng temperatura at pulso, at iba’t ibang klase ng pagdugo at sugat sa katawan. Sa pangunguna naman ni FO1 Mart Romuel E. Cedeño ay tinuruan sila ng “bandaging” na kung saan nagtiklop sila ng puting tela na magsisilbing bendahe bilang bahagi ng pagbibigay ng paunang lunas sa biktima.
Sa ikalawang bahagi naman ay itinuro ni FO1 Cedeño ang tamang pagsasagawa ng ‘Cardiopulmonary Resuscitation’ o CPR na mahalaga para sa pagpapanatiling buhay sa isang biktima na walang hininga at walang tibok ng puso. Gayundin, nagsagawa ng demonstrasyon sina FO3 Sy kasama sina FO1 John Carlo S. Calingasan at FO1 Jiovannie R. Alcaraz ukol sa paggamit at paglagay ng pasyente sa ‘stretcher’ at ang iba’t ibang klase ng pagbubuhat sa biktima tulad na lang ng Fireman’s Carry, Carry In-arms, Four-Handed Seat, Two-Handed Seat, Extremity Carry, Hammock Carry, Baerers Alongside, at Fireman’s Drag. Kalaunan ay pinagsagawa rin ng demonstrasyon ng CPR at pagbubuhat sa biktima ang mga dumalo sa nasabing training.
Bilang parte ng layunin ukol sa pagbibigay paunang lunas at praktikal na kasanayan, ang mga karagdagang kaalaman na ibinahagi ay magagamit ng mga lumahok pagdating sa oras ng sakuna o trahedya para sa agarang pagliligtas ng buhay.
































