Balik Kasaysayan 2026
Tagumpay ang pagdiriwang ng taunang Balik Kasaysayan na ginanap nitong Pebrero 28, 2026 sa Dambana ng mga Bayani, Plaza Orense, na may temang: “Pandayan ng Kahapon: Matalinong Bukas ng Bauangueño”.
Nakiisa sa paggunita ng mahalagang araw na ito ng ating bayan ang mga halal na opisyales sa pangunguna ni Mayor Wendah Katrina Rivera-Dolor at Vice Mayor Guenn Abante kasama ang mga miyembro ng Sanggunian Bayan na sina Kon. Josephine D. Gimeno, Kon. Michael T. Endaya, Kon. Romel B. Basilan, Kon. Jesimiel Jake O. Garcia, Kon. Marjorie Jelly A. Adel, ABC Pres. Tony Caguete at SK Federation Pres. Jenisse Jade A. Aguilera, mga kawani ng LGU Bauan, barangay captains, DepEd teaching force sa pangunguna ng PSDS ng Bauan East at West Districts, mga piling estudyante mula sa Bauan Colleges, Inc., Sta. Teresa College (STC), at Manghinao Elementary School, at national agencies – Bauan PNP at Bauan BFP, at NGOs. Naging panauhin din sina Bokal Jently O. Rivera, Bokal Reina Abu-Reyes, at si dating Congressman Raneo Abu.
Katulad ng nakagawian, ang programa ay nagsimula sa pagdaraos ng banal na misa, pagsasagawa ng Tanod Parangal sa Pagdating ng Panauhing Pandangal, at sinundan ng pag-aalay ng bulaklak at pagsisindi ng kandila sa Dambana ng mga Bayani.
Bahagi rin ng programa ang pagkilala kina Atty. Vea Gypsy M. Abante-Paguia at Atty. Wendel C. Dinglasan sa pamamagitan ng resolusyon mula sa Sangguniang Bayan dahil sa karangalan nilang ipinamalas bilang mga anak ng Bauan na totoong maipagmamalaki. Si Atty. Abante-Paguia ay itinakda bilang Assistant Secretary ng General Administration and Support Services Group ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) samantalang si Atty. Dinglasan naman ay itinalaga bilang Direktor ng Land Transportation Office (LTO) Region IV-B at pansamantalang Tagapamahalang Direktor ng LTO sa Calapan City.
Binigyang pugay naman sa pamamagitan ng Posthumous Award si Dr. Cenon P. Cordero, isang Bauangueñong doktor at anestesyologo, dahil sa kanyang dedikasyon sa larangan ng medisina at edukasyon. Ang karangalang ito ay tinanggap ng kanyang apo sa katauhan ni G. Pedro Alberto G. Cordero. Taos-puso rin ang pasasalamat ni Engr. Vicente P. Cordero, anak ni Dr. Cenon, at panauhing pandangal sa programa. Siya ay isang Professional Mechanical Engineer, negosyante, at haligi ng edukasyon bilang Presidente ng Bauan Colleges, Inc. Sa loob ng limang dekada ay buong puso ang ginagawang paghuhubog ng mga kabataan at paggabay sa mga pangarap ng mga Bauangueño—isang indibidwal na puno ng integridad na napagsasama ang talino at kababaang loob, liderato at kultura, at tagumpay at pagmamahal sa pamilya at bayan.
Ang Balik Kasaysayan ay programa na alay sa mga anak ng Bauan na nagbuwis ng kanilang buhay sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa mga Imperyalistang Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Gayundin, ang programang ito ay nagsisilbi ring pook para kilalanin ang mga Bauangueño na patuloy na humuhubog ng kasaysayan sa pamamagitan ng kanilang sipag, sakripisyo, at taos-pusong paglilingkod sa kapwa.






























































