Balik Kasaysayan 2025
“There is only one BAUAN, Batangas sa buong Pilipinas. Solid as remain united. Ipagpatuloy po natin ang pagmamahal at malasakit sa isa’t isa. Tulad ng ating tema, sa pag-unlad ng ating bayan, pagkakaisa ang tunay na sandigan.”
– Col. Gremel Bautista Brual (Panauhing Pandangal, Balik Kasaysayan 2025)
Tagumpay ang isinagawang pagdiriwang ng Balik Kasaysayan sa Bayan ng Bauan na ginanap noong ika-28 ng Pebrero, 2025 sa Plaza Orense.
Gaya ng nakagawian nagsimula ang programa sa pagdaraos ng Banal na Misa at pagbibigay ng Tanod Parangal sa Pagdating ng Panauhing Pandangal. Gayundin ang pag-aalay ng bulaklak, pagsisindi ng kandila at pagpapalipad ng mga kalapati sa Dambana ng mga Bayani.
Bahagi ng programa ang pagpupugay kay Kgg. Tomas T. Dalangin mula sa Barangay Bolo. Si Kuya Tom, kung siya ay tawagin ng kanyang mga kasamahan, ay matagal na nagsilbi bilang Pangulo ng Liga ng mga Barangay o ABC President sa Bayan ng Bauan. Ang Posthumous Award ay narapat na ipagkaloob kay Kgg. Dalangin sa kanyang tuwiran na pagganap ng kanyang tungkulin bilang public servant noong kanyang kapanahunan.
Tampok naman sa pagdiriwang ang pagbibigay ng pagkilala sa panauhing pandangal sa katauhan ni Col. Gremel Bautista Brual. Si Col. Brual ay nagmula sa Barangay Manghinao I at kasalukuyang Chief of Staff ng Installation Management Command ng Philippine Army. Miyembro ng PMA Mabikas Class of 1996 at naparangalan bilang PMA Cavalier Awardee noong 2015. Tinaguriang Marawi Hero dahil siya ay nagsilbing Battalion Commander ng 51st Infantry Battalion, kung saan sa loob ng limang buwan ay nakipaglaban sa teroristang Maute Group na nanalasa sa City of Marawi noong 2017.
Isa sa mahalagang parte ng pananalita ni Col. Brual ay ang paglalahad ng isang pangyayari noong kanilang pakikibaka sa Marawi kung saan sa kagustuhan ng grupo na tulungan at mailigtas ang isang sugatan na kasamahan ay naging kapalit ang 3 buhay at labingpitong sugatan. Aniya, “wala ng titibay na samahan kundi iyong nagsama kayo sa buhay at kamatayan..sa ganitong oras ng giyera nalimutan muna natin ang ating pamilya, ang unang pumapasok sa atin ay ating mga kasama”.
Bagaman ang Balik Kasaysayan ay paggunita sa kabayanihan ng mga anak ng Bayan ng Bauan na nagbuwis ng buhay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa pagdaan ng panahon ang programa ay naging daan upang magbigay ng pagkilala at pasasalamat sa mga matatawag na MAKABAGONG BAYANI. Sila ang mga natatanging Bauangueño na nagpamalas ng kahusayan at katapatan sa kani-kanilang larangan at bokasyon.
Ang programa ay pinangunahan ni Acting Mayor Kgg. Ronald Cruzat at Kgg. Hero Dolor – Acting Vice Mayor, mga SB Members kasama ang mga kawani ng lokal na pamahalaan at ilang ahensya ng national government, barangay captains, at pamilya ng mga pinarangalan. Naging panauhin si dating Congressman Raneo Abu na nagbigay ng kanyang mahalagang mensahe. Samantalang naging bahagi din ng programa sina Dr. Andrea Hernandez – Public School District Supervisor ng DepEd, Gng. Elenith Valdez, mga mag aaral mula sa Bauan Colleges, Inc., Bauan Technical High School, Sta. Teresa College at Manghinao Elementary School. Dumalo din ang iba’t ibang grupo tulad ng Knights of Columbus, Veterans at ilang CSOs.





















































































































