Balik Kasaysayan 2023
Balik Kasaysayan 2023 – “Bauan, Buhayin ang Kamalayan sa Kasaysayan, Susi sa Patuloy na Pag-unladâ€
Tagumpay ang pagdiriwang ng taunang Balik Kasaysayan na ginanap nitong Pebrero 28, 2023 sa Dambana ng mga Bayani, Plaza Orense.
Ito ay dinaluhan ng mga pambayang opisyal sa pangunguna ni Mayor Ryanh Dolor kasama si Vice Mayor Ronald E. Cruzat at mga kasapi ng Sangguniang Bayan, Bokal Wilson T. Rivera, kawani ng LGU Bauan, kawani ng DepEd Bauan sa pamumuno nina Gng. Aurelia Aguila at Dra. Andrea Hernandez (mga Pampublikong Purok Tagamasid), kasapi ng ilang CSOs (Knights of Columbus, Rotary Club of Bauan, Bauan Centennial Lions Club), NGAs (PNP at BFP), pamilya, kamag-anak at kaibigan ng Panauhing Pandangal at ng posthumous awardee.
Gaya ng nakagawian, bago ang programa ay nagdaos ng Banal na Misa para sa pasasalamat ng LGU. Binigyang parangal ang pagdating ng panauhing pangdangal na sinundan ng pag-aalay ng mga bulaklak at kandila kasabay ang pagpapatunog ng kampana ng simbahan at sirena .
Tampok sa okasyon ang pagkilala at paggagawad ng parangal sa Panauhing Pandangal sa katauhan ni Capt. Maximo M. Dalawampu, 2009 Bagong Bayani Awardee, mula sa Barangay Sampaguita. Ang Bagong Bayani Award ay ipinagkakaloob sa mga natatanging Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagpamalas ng kabutihan sa kanilang kapwa, nagpakita ng magandang imahe at karangalan ng pagiging isang Pilipino bilang isang maaasahan at marangal na manggagawa. Si Capt. Dalawampu pinagkalooban ng nasabing award sa ginawa niyang pagliligtas at pagtulong ng mga tao mula sa isang aksidente sa karagatan.
Isa sa mahalagang parte ng programa ay ang pagpupugay at paghahandog ng posthumous award para kay Kgg. Policarpio D. Boongaling na nagsilbing Municipal Mayor ng Bauan noong 1986. Ito ay tinanggap ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng kanyang anak na si Kgg. Blandine B. Rosales, dating kasapi ng Sangguniang Bayan.
Ang Balik Kasaysayan ay isang okasyon ng paggunita sa kadakilaan at kabayanihan ng bawat Bauangueno na nagbuwis ng buhay noong nakaraang Ikalawang Digmaan kasama ang mga tinaguriang Bayani ng Bayan na dinakip at pinatay sa kanilang mga piitan at hanggang sa kasalukuyan ay hindi nakita ang kanilang pinaglibingan.
Sa pagdaan ng panahon napagpasyahan ng lokal na pamahalaan na magbigay ng karangalan sa mga piling mamamayan ng Bauan na nagpamalas ng kahusayan sa kani-kanilang larangan. Sapagkat ang pagiging bayani ay hindi lamang nakaukit sa bato bagkus ay nakikita sa lahat ng kabutihan at pagtulong sa kapwa at pagmamahal sa bayan.
#WeAreOneInBauan