336th Founding Anniversary
Masayang ipinagdiwang ang 336th Founding Anniversary ng Bayan ng Bauan noong Enero 30, 2026 na may temang “One Legacy, One Community, One Future, as We are One in Bauan.”
Sa pagsisimula ng programa ay idinaos muna ang isang banal na misa sa Municipal Hall Lobby at sinundan naman ito ng mga mensahe mula sa Sangguniang Bayan members, kabilang dito ay sina SK Federation President Jenisse Jade A. Aguilera, Kon. Hero Dolor, Kon. Neil P. Valdez, Kon. Michael T. Endaya, Kon. Romel B. Basilan, at ABC President Tony Caguete.
Sa mensahe ni Mayor Wendah Katrina Rivera-Dolor, ipinabatid niya na, “Tayo ay sumasailalim sa kolektibong pagkakakilanlan bilang isang bayan at isang mamamayan na may isang pinagmulan, iisang adhikain, at iisang patutunguhan. Bawat isa sa atin ay binuo ng sakripisyo, sipag, at dangal ng naunahang henerasyon.”
Itinampok din naman ang “Bagong Bauan”, isang sining na dumadaloy sa bawat dugong Bauangueño at simbolo ng kahapon, ngayon, at bukas. Ayon kay Arch. Dhennis Sigua, inalam niya ang topograpiya na kung saan ang mga linya sa piyesa ng sining na ito ay sumisimbolo sa antas ng kalupaan ng Bauan. Dagdag pa niya, makikita rin kung gaano pinagpala ang bayan ng Bauan mula sa kalupaan hanggang sa katubigan; at ang mga bakal sa paglikha ng sining ay sumisimbolo sa mga industriya na bahagi ng pag-unlad ng bayan.
Bago ang pormal na pagtatapos ng seremonya, isinagawa ang malikhaing pagsayaw ng subli na pinangunahan ng mga kinatawan mula sa ginanap na Ala-Eh Festival.
Bilang buod, hindi maipagkakaila na sa bawat hakbang ng ating kasaysayan, makikita ang tatak ng pagkakaisa at dangal ng pagiging isang tunay na Bauangueño. Patunay lamang na ang bayang ito ay matibay ang pundasyon at malinaw ang direksyon patungo sa kinabukasan.



































