25th Sublian Festival 2026

Tagumpay ang isinagawang pagdiriwang ng 25th Sublian Festival noong ika-2 ng Mayo, 2026 sa Bayan ng Bauan.

Katulad ng nakagawian nagsimula ang programa sa paghahatid ng Mahal na Poong Sta. Krus ng Bauan patungong Alitagtag kung saan isang Misa Konselebrada ang idinaos sa Binukalan. Matapos ito ay muling kinaon ang Mahal na Poong Sta. Krus ng Bauan kasama ang Mahal na Poong Sta Krus ng Alitagtag patungo sa bayan ng Bauan. Habang naglalakbay ang Magkapatid na Poon ay makikita at damang dama ang debosyon ng mga mananampalataya na naghihintay sa tabi ng kalsadang dinadaanan. Ang bawat deboto ay naghahagis at nag-aalay ng bulaklak o kaya naman ay isinasampa ang mga bata upang makahalik o humawak sa Mahal na Poon.

Sa tulay ng Manghinao ay naghihintay pa rin ang maraming deboto at mga manunubli para sa Pagsalubong. Kasunod nito ay isang maigsing programa kung saan nag-alay ng bulaklak at dasal si Mayor Wendah Katrina Rivera-Dolor at Mayor Jo-Ann Ponggos ng Alitagtag, gayundin ang isang luwa mula sa panig ng Hermanidad. Matapos ito ay kaagad naman na nagsimula ang parada ng Magkapatid na Poong Sta. Krus na buhat sa balikat ng mga deboto mula sa tulay hanggang sa Patio ng Immaculada Conception Parish Church. Pinangunahan ni dating Mayor RYANH M. DOLOR at kanyang mga anak na si RJ at RD, Konsehal Jem Garcia, at iba pang mga taga LGU Bauan ang pagbubuhat sa Poon ng Alitagtag. Samantalang mga miyembro ng Fraternitas Sanctae Crucis o mga Hermanos ang may pasan sa Poon ng Bauan. Kasabay nito ay ang Sublian street dancing ng mga participants.

Pagdating ng Patio ng Simbahan ay nagbigay ng kanilang mensahe sina Fr. Carlo Magno Ilagan, Kura Paroko ng Immaculada Conception Bauan, Mayor Wendah, Vice Mayor Guenn Abante at Hermano Mayor G. Thirdy Tablate. Ganap na alas singko ng hapon ay nagdaos muli ng isang Misa Konselebrada na dinaluhan ng mga mananampalataya sa pangunguna ng mga kawani at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Bauan. Pagkatapos ng misa ay nagsimula ang pagsasayaw ng Subli ng grupo ng mga mag-aaral ng pribado at pangpublikong paaralan mula sa East at West School Districts, mga kawani ng LGU, ilang cultural dance groups, at mga manunubli mula sa barangay Sinala kung saan pinaniniwalaan na dito orihinal na nagmula ang Subli.

An Subli ay mula sa salitang SUBsub at baLI na inilalarawan ang mga galaw ng mga manunubli (tawag sa mga taong sumasayaw ng Subli). Bukod sa sayaw ay naghahandog din ng dasal at nag-aalay ng bulaklak sa Magkapatid na Mahal na Poong Sta. Krus.

#WeAreOneInBauan

Dah Wen

Sangguniang Bayan Ng Bauan

Bauan Municipal Tourism

You may also like...